[email protected]

Ang Kasaysayan ng Kristiyanismo sa Pilipinas: Ang Basilica Menor del Santo Niño de Cebu

Home|500 Years of Christianity|Featured|Ang Kasaysayan ng Kristiyanismo sa Pilipinas: Ang Basilica Menor del Santo Niño de Cebu

500 Years of Christianity Celebration

Bilang paghahanda sa selebrasyon ng 500 years ng Kristiyanismo sa Pilipinas na magaganap sa 2022, kami’y magbabahagi ng mumunting artikulo ukol sa kasaysayan ng Kristiyanismo sa ating bansa. Una nating tatalakayin ay isa sa mga labing-limang pinakalumang simbahan sa ating bansa. Ang mga simbahang ito ay ating binisita sa ating online Visita Iglesia noong Biyernes Santo, 2 Abril 2021.

Ang Basilica Menor del Santo Niño de Cebu

Ang umpisa ng Kristiyanismo sa Pilipinas

Ang Basilica Menor del Santo Niño de Cebu, kilalang Santo Niño Basilica, sa Cebu City, ay itinayo nina Fray Andrés de Urdaneta, O.S.A., at Fray Diego de Herrera, O.S.A., noong 1565. Ito ang pinakalumang simbahan ng Pilipinas. Ang kasaysayan nito ay kasaysayan din ng ating pagiging Kristiyano. Kaya’t ang Cebu ay tinaguriang “Cradle of Christianity” o Duyan ng Kristiyanismo ng ating bansa.

Nang nabinyagan ni Fr. Valderrama sina Rajah Humabon, Harah Amihan at ang kanilang mga nasasakupan noong Abril 1521, ito ay mahalaga sa ating kasaysayan – ito ang umpisa ng Kristiyanismo sa Pilipinas. At ang misang ipinagdiwang ni Fr. Valderrama mula nang siya a dumating sa Cebu noong Marso 1521 at ang mga kasunod pa nito ay markado bilang selebrasyon ng unang mga liturgiya sa ating bansa. Ngayong 2021 ang siyang 500 years ng Kristiyanismo sa Pilipinas subalit dahil sa pandemya, ang selebrasyon ay ipinapaliban sa 2022.

Ang Imahen ng Sto. Niño

Nang bininyagan sina Rajah Humabon, sila’y niregaluhan ni Magellan ng imahen ng Sto. Niño.

Lumisan sa Pilipinas at bumalik ulit ang mga Kastila sa expedition ni Legazpi noong 1565. Sa dinatnan nilang bayanbayanan ng mga katutubo kung saan sinunog ang mga sariling tirahan bago nilisan, himalang hindi nasunog sa isang bahay kubo ang imahen. Sa lugar na ito itinayo ang Sto. Niño Basilica.

Ang Krus na ginawang marka ni Magellan sa pagtuklas sa kapuluan ng Cebu, ang kilalang Magellan Cross, at ang imahen ni Sto Niño, ang mga tinaguriang pinakalumang Christian artifacts ng Pilipinas at simbolo ng kapanganakan at paglago ng Kristiyanismo sa ating bansa. Ito’y mga simbolo lamang at ang tunay na dahilan ng paglago ng Kristiyanismo sa Pilipinas ay ang maalab na pagkamisyonaryo ng bawat pari at mananampalatayang Pilipino sa Panginoon.

Noong 1965, ginawang basilica ni Pope Paul VI ang simbahan at ang mga Augustinian friars ang nanatiling tagapamahala. Ito’y ginawa ring Philippine National Historical Landmark. Maraming himala noon at hanggang ngayon ang nararanasan ng mga mananampalataya kaya ang bilang ng mga deboto, kasama ng mga turista, ay lumalaki lalo na tuwing ikalawang Linggo ng Enero, ang kapistahan ng Sto Niño.

Panoorin ang “Tara na sa Basilica” Channel kung saan maaring mag-virtual pilgrimage sa Basilica.

Manila Cathedral

Pagkatapos ng Cebu, ang Pangkat ni Legazpi ay lumunsad at sinakop ang Maynila noong 1571. Sa pagsakop ng mga Kastila ng Maynila, ang Kristiyanismo ay unti-unting lumalago sa Luzon. Kaya nga ang kasaysayan ng pagdadala ng Kristiyanismo, ang kasaysayan ng ating pagiging Katolikong Kristiyano, ay kasaysayan din ng ating lupang hinirang. Kaya nga naman, ang kulturang Pinoy ay markado ng Kristiyanismo saan mang bahagi tayo mapadpad.

Aming isusunod ang artikulo tungkol sa Manila Cathedral-Basilica, pangalawa sa mga pinakalumang simbahan sa ating bansa.

 

Post Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *