[email protected]

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

Home|PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS|PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

LINGGO, Enero 07, 2024

Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon

Solemnity of the Epiphany of the Lord (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 60, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Bumangon ka, Jerusalem,
at magliwanag na tulad ng araw.
Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon.
Mababalot ng dilim ang ibang mga bansa;
ngunit ikaw ay liliwanagan ng Panginoon
sa pamamagitan ng kanyang kaningningan.
Sa ningning ng iyong taglay na liwanag,
yaong mga bansa, sampu ng mga hari’y lalapit na kusa.
Tumingin ka sa paligid
at tingnan mo ang nagaganap.
Ang mga anak mo’y nagtitipon na upang umuwi.
Ang mga lalaki’y magmumula sa malayo,
ang mga babae’y kargang tila mga bata,
ang tanawing ito kung iyong mamalas, ikaw ay sisigla,
sa iyong damdami’y pawang kagalakan yaong madarama;
pagkat ang yaman
niyong karagata’y iyong matatamo,
at ang kayamanan ng maraming bansa
ay makakamtan mo.
Maraming pangkat na nakasakay
sa kamelyo ang darating mula sa Madian at Efa.
At sa Seba nama’y darating silang
may taglay na mga ginto at kamanyang.
Ihahayag ng mga tao ang magandang balita
tungkol sa ginawa ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

 

SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 7-8. 10-11. 12-13

Poon, maglilingkod sa ‘yo,
tanang bansa nitong mundo.

Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.

Poon, maglilingkod sa ‘yo,
tanang bansa nitong mundo.

Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.

Poon, maglilingkod sa ‘yo,
tanang bansa nitong mundo.

Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya
maghahandog ng kaloob, ihahain din sa kanya
pati yaong mga hari ng Arabia at Etiopia,
may mga kaloob ding taglay nilang alaala.
Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa’y magpupuri’t maglilingkod sa tuwina.

Poon, maglilingkod sa ‘yo,
tanang bansa nitong mundo.

Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao siya’y lubhang nahahabag
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.

Poon, maglilingkod sa ‘yo,
tanang bansa nitong mundo.

 

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 3, 2-3a. 5-6

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid:
Marahil naman, nabalitaan na ninyong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. Ang hiwagang ito’y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

 

ALELUYA
Mateo 2, 2

Aleluya! Aleluya!
Ang tala’y aming nakita
kaya’t kami’y nagsipunta
upang sa Poon sumamba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 2, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Si Hesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.”

Nang mabalitaan ito ni haring Herodes, siya’y naligalig, gayun din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas. “Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila. “Ganito ang sinulat ng propeta:

‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda,
ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno
na mamamahala sa aking bayang Israel.’”

Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang mga tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pabilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako may makasamba sa kanya.” At lumakad na nga ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata gayun na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.

Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Ang mga teksto ng Bibliya ay hango sa Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
Ang Filcom ay lubos na nagpapasalamat sa Awit at Papuri Communications sa pahintulot na ibinigay para gamitin ang kanilang website bilang pinagmumulan ng mga pagbasang ito.
Kung nais ninyong pakinggan ang podcast, maari pong puntahan ang website ng Awit at Papuri: https://www.awitatpapuri.com/
For the English version, please follow this LINK: https://bible.usccb.org/readings/calendar