[email protected]

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

Home|PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS|PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

LINGGO, PEBRERO 05, 2023

Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (A) — Luntian

Pambansang Araw ng Panalangin at Kamalayan laban sa Human Trafficking

Unang Pagbasa (Is 58:7–10)

Ang bayan ng Diyos ay maaaring maging liwanag tulad ng bukang-liwayway sa pamamagitan ng pagtataguyod sa katarungan at pagtulong sa mga naaapi at mga humahapis.

Pagbasa mula sa Aklat ni propeta Isaias

ITO ang ipinasasabi ng Pangi-noon: “Ang mga nagugutom ay inyong pakanin, patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan. Yaong mga tao na halos hubad na ay inyong paramtan, ang inyong pagtulong sa mga kasama ay huwag tatalikdan. At kung magkagayon, matutulad kayo sa bukang-liwayway, Hindi maglalao’t gagaling ang inyong sugat sa katawan, ako’y laging sasainyo, ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar. Sa araw na iyon, diringgin ng Poon ang dalangin ninyo pag kayo’y tumawag, ako’y tutugon agad. Kung titigilan ninyo ang pang-aalipin at pagsuway sa akin, at ang masamang salita’y iiwasan, kung ang nagugutom ay pakakanin ninyo at tutulungan, ang kadilimang bumabalot sa inyo ay magiging tila liwanag sa katanghalian.”

—Ang Salita ng Diyos.

B—Salamat sa Diyos.

 

Salmong Tugunan (Slm 111) 

T – Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.

1. Ang taong matuwid, may bait at habag,/ kahit sa madilim taglay ay liwanag./ Ang mapagpautang nagiging mapalad,/ kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat. (T)

“Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.”

2. Hindi mabibigo ang táong matuwid,/ di malilimutan kahit isang saglit./ Anumang balita’y hindi siya takot,/ matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos. (T)

“Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.”

3. Wala siyang takot hindi nangangamba,/ alam na ba-bagsak ang kaaway niya./ Mabait na lubha, lalo sa mahirap,/ ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas,/ buong karangalan siyang itataas. (T)

“Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.”

 

Ikalawang Pagbasa (1 Cor 2:1 – 5) 

Pinaaalalahanan tayo ni San Pablo na ang krus ni Hesus ang kapangyarihan ng Diyos.

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

MGA KAPATID: nang ako’y pumariyan, ipinahayag ko sa inyo ang lihim na panukala ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng malalalim na pananalita o matataas na karunungan. Ipinasiya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesukristo na ipinako sa krus. Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa ka-runungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya’t hindi na karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos naba-batay ang inyong pananalig kay Kristo.

—Ang Salita ng Diyos.

B—Salamat sa Diyos.

 

Aleluya (Jn 8:12)

B – Aleluya! Aleluya! Sinabi ni Hesukristo: “Ako ay ilaw ng mundo at buhay ng alagad ko.” Aleluya! Aleluya!

Mabuting Balita (Mt 5:13 – 6)

P—Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas.
B—Papuri sa iyo, Panginoon.

NOONG panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapapanauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.

“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang pa-tungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.”

—Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

B—Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.