[email protected]

Mga Pagbasa, Martes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Home|Mga Pagbasa|Mga Pagbasa, Martes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

MARTES, PEBRERO 21, 2023

Paggunita kay San Pedro Damian,
Optional Memorial of St. Peter Damian, Bishop and Doctor of the Church (White)

For the English Daily Mass Readings CALENDAR, please follow this LINK: https://bible.usccb.org/readings/calendar. For the Liturgical Calendar for the Celebration of Mass for the Apostolic Vicariates of Northern and Southern Arabia, please follow this LINK : https://avosa.org/ordo

UNANG PAGBASA
Sirak 2, 1-13

Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Anak ko, kung nais mong maglingkod sa Panginoon, humanda ka sa mga pagsubok. Maging tapat ka at magpakatatag, huwag kang masisiraan ng loob sa panahon ng kasawian. Manalig ka sa Panginoon at huwag kang lalayo sa kanya, kung nais mong tumiwasay habang nabubuhay.
Tanggapin ang anumang ipagkaloob niya sa iyo, tiisin mo ang kadustaan kahit ano ang mangyari. Kung ang ginto ay dinadalisay sa apoy,
ang banal ay sinusubok ng Panginoon sa apoy ng pagtitiis. Magtiwala ka at tutulungan ka niya, maging tapat ka sa kanya at makaaasa ka. Kayong may takot sa Panginoon, maghintay kayo ng kanyang habag; huwag kayong lalayo sa kanya nang hindi kayo mapahamak.
Kayong may takot sa Panginoon, magtiwala kayo sa kanya, at walang pagsalang tatanggap kayo ng gantimpala. Kayong lahat na may takot sa Panginoon, umasa kayo sa kanya. Pagpapalain niya kayo, pasasaganain, at paliligayahin magpakailanman.

Tingnan ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno: may nagtiwala ba sa Panginoon na nasiphayo? May nanatili bang naglilingkod sa kanya na kanyang pinabayaan? May tumawag ba sa kanya na hindi niya dininig? Sapagkat maawain at mapagpatawad ang Panginoon, pinatatawad niya tayo sa ating kasalanan, inililigtas sa kagipitan.

Ang Salita ng Diyos.

 

SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 3-4. 18-19. 27-28. 39-40

Sarili’y sa D’yos ilagak
at tutulungan kang ganap.

Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.

Sarili’y sa D’yos ilagak
at tutulungan kang ganap.

Iingatan ng Diyos yaong masunurin,
ang lupang minana’y di na babawiin.
Kahit na sumapit ang paghihikahos,
di mararanasan nila ang magdahop.

Sarili’y sa D’yos ilagak
at tutulungan kang ganap.

Ang mabuti’y gawin, masama’y itakwil,
at mananahan kang lagi sa lupain.
Pagkat yaong bayang wasto ang gawain,
ay mahal ng Poon, hindi itatakwil.
Sila’y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.

Sarili’y sa D’yos ilagak
at tutulungan kang ganap.

Ililigtas ng Diyos ang mga matuwid,
iingatan sila pag naliligalig.
Ililigtas sila’t kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat sa Poon nangungubling tunay.

Sarili’y sa D’yos ilagak
at tutulungan kang ganap.

 

ALELUYA
Galacia 6, 14

Aleluya! Aleluya!
Sa krus ni Kristo dinangal
itong ating pamumuhay
na para sa kanya lamang.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 9, 30-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, sina Hesus at ang kanyang mga alagad ay nagdaan sa Galilea. Ayaw ni Hesus na malaman ito ng mga tao, sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya: “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi nila naunawaan ang sinabi niya, ngunit natatakot naman silang magtanong sa kanya.

At dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo, sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Hesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Tinawag niya ang isang maliit na bata, at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumanggap sa akin — hindi ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Ang mga teksto ng Bibliya ay hango sa Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
Ang Filcom ay lubos na nagpapasalamat sa Awit at Papuri Communications sa pahintulot na ibinigay para gamitin ang kanilang website bilang pinagmumulan ng mga pagbasang ito.
Kung nais ninyong pakinggan ang podcast, maari pong puntahan ang website ng Awit at Papuri: https://www.awitatpapuri.com/
For the English version, please follow this LINK: https://bible.usccb.org/readings/calendar